Thursday, March 3, 2011

Sa Ilalim ng mga Tala

Nakatunghay ako sa kawalan habang pinagmamasdan ang mga nagkikislapang bituin sa kalangitan. Ang mga bituin na tumatanglaw sa kalaliman ng gabi. Animo'y nakatitig sa akin at mapanuksong ngumingiti. Habang ang payapang alon ay dumadampi sa aking talampakan, kinukuyom ko ang pinong buhangin sa aking mga kamay. Bakas pa rin sa magkabilang pisngi ang natuyong luha ng paghihinagpis na kani-kanina lamang dumaloy mula sa aking namumugtong mga mata.

Mag-isa akong nakaupo at nagninilay-nilay. Pinagtatagni-tagni ang pira-pirasong ala-ala ng kahapon. Umaasang kahit papaano'y may sumiwang na kasagutan sa mga katanungan na animo'y walang katapusan.


Salamat sa mala-kesong buwan na nakatunghay sa akin. Binabantayan ang aking bawat galaw. At kahit hindi ko siya alintana, patuloy niya akong ginagabayan at pinoprotektahan na hindi naghihintay ng kapalit. Kahit na ako'y kadalasang nagbubulag-bulagan, hindi mo to kakikitaan ng pagkayamot o galit.

Salamat sa banayad na hangin na kanina pa yumayakap at humahaplos sa aking mukha at buong katawan. Pilit sinusubukang patahanin ang aking pusong impit na umiiyak. Ang pusong nagula-gulanit at nagkapira-piraso ng dahil sa iyo. Ang pusong minsan nang umasa at palaging nabibigo. Ang puso na gumagapos sa aking sarili at marahang kumikitil sa aking dignidad at respeto.

Ilang beses ko mang ipikit-imulat ang aking mga mata, patuloy pa rin na umuukilkil ang mga ala-ala ng ating pinagsamahan. Ang malulutong na tawanan. Ang paglalakad sa dalampasigan habang magkahawak ang ating mga kamay. Ang sabay nating pagtatampisaw sa dagat na animo'y bata na ngayon lang nabigyang-laya. Ang pagbuo natin ng mga walang katapusang pangarap sa pinong buhangin na di ko akalaing titibagin at aanurin ng mga malulupit na alon.

Nararamdaman ko ang unti-unting paglakas ng ihip ng hangin. Animo'y nagdadabog dahil hindi ko pansin ang kanina pa niyang pagyakap at pag-alo sa akin. Na sa tingin ko'y narinig ng mga alon na ngayo'y unti-unti ng nagiging mabangis.

Habang patuloy kong sinasariwa ang matatamis na mga ala-ala, naramdaman ko na lang ang muling pananalaytay ng masaganang luha sa aking magkabilang pisngi. Kasabay ang pagtaas-baba ng aking dibdib at ang impit na paghikbi. Hindi naglaon, bumigay ang depensa ng aking buong katawan. Umagos ang masaganang emosyon at nadinig ng mahabaging langit ang pagtangis ng aking abang puso.

Hindi ko pa rin magawang tumawa. Walang pakialam sa paghampas ng alon na ngayon ay umaabot na sa aking mga tuhod. Patuloy ang pagbaha ng luha. Sa isang bahagi ng aking pag-iisip, umaasa ako na darating ka upang patahanin at sagipin ang aking nalulunod na puso. Pero ilang minuto na ang nakararaan, walang prinsipeng dumating. At napagtanto ko na huwad ang mga kwento ng mga matatanda. Parang ikaw, pilit na pinaaasa ang mga nakikinig sa mga matatamis na pangako. Pero sa likod pala nito ay mga makasarili at balakyot mong balak.

Walang salita ang makapaglalarawan sa damdaming nadarama ko ngayon. Naghalo-halo na ang lahat ng emosyon. Ang pagmamahal ko sa iyo, ang panghihinayang, ang galit sa sarili at pagkamuhi sa iyo!

Mabuti pa ang langit, naiintindihan ang aking nararamdaman. Matapos maidaing ang lahat ng sakit na nararamdaman, nagsimula itong umiyak at dinamayan ako sa aking pag-iisa. Ramdam na ramdam ko ang bawat patak ng kanyang luha. Animo'y hinuhugasan ang aking pagkatao at inaalis ang lahat ng sama ng loob na aking nararamdaman.

At sa pagkakataong ito, ngayon ko lang naranasan kung paano mahalin ng walang hinihintay na kapalit...

No comments:

Post a Comment