Friday, March 4, 2011

"FLATMATES" Chapter 1: Edward Cullen

"FLATMATES"
ni Ralph

Chapter 1: "Edward Cullen"




        Kanina pa niya paulit-ulit na pinipindot ang elevator button. Naturalmente, hindi ito makakatulong para bumilis na bumaba. Nasa 17th floor pa lang ang elevator  at animo’y nang-aasar dahil humihinto sa bawat palapag. Sinulyapan niya ang kanyang relo. 9:10pm. Late na talaga siya!

                Ilang saglit pa, bumukas ang elevator. kaagad siyang pumasok at pinindot ang 23rd floor. May babaeng hahabol pa sana pero dali-dali niya itong isinira. Muli niyang sinulyapan ang kanyang relo. 9:13pm.

                Dalawang beses na siyang na-late ngayong linggo. At alam niya na hindi matutuwa ang supervisor niya kapag nalaman nitong late na naman siya. Kung hindi lang sana sa kabagalan niyang kumilos, on-time siyang makakarating sa office.

                At hindi siya nagkamali. Hindi pa nakakaupo sa station, tinawag siya agad ng supervisor niya. Nakaupo ito sa station na aakalain mong sunog na marshmallow. Napakamot na lang siya sa ulo habang hawak sa kaliwang kamay ang headset at starbucks mug.

                “Rob, this is the 3rd time that you are late this week! What will I do with you?”

                “I’m so sorry sir. The traffic in Buendia was really heavy. I don’t know why.”

                “You used the same reason last night, Rob!” Umalog ang double chin ni sup ricky.

                “No Sir. I was late yesterday because I had LBM.”

                Napabuntong hininga si sup Ricky. “This will be the last time Rob or I’ll issue you a memo.”

                “Yes sir. I’m so sorry.”

                “Sorry... Now, get out of my sight!”

                “Yes sir.”

                Tahimik siyang bumalik sa station . Nagsimula na ang ingay sa buong floor. Queing na kasi. Yung ibang mga dumarating, nahihirapan nang maghanap ng station.  Matapos magset-up, tumayo siya at pumunta sa CR.

                Kasalukuyang naglilinis ang janitor nang pumasok si Rob. Sa unang cubicle siya umihi. Nang matapos, naghugas siya ng kamay.  Tumingin siya sa salamin. Nagsisimula na palang tumubo ang buhok niya. Kailangan na naman niyang magpa-shave ng ulo. Pinatutuyo na niya ang kamay sa hand dryer nang pumasok ang isang lalaki. Newbie, sabi niya sa sarili. Nakatitig ito sa kanya sa salamin habang naghuhugas ng kamay sa katabing sink.

                Sa tangkad na 5’10”, hindi pwedeng hindi mapansin si Rob. Idagdag mo pa ang kayumangging balat, semi-kalbong ulo at bilugang mukha. May goatee din ito na sadya niyang pinahahaba ng kaunti. Kapansin-pansin din ang hubog ng kanyang katawan. Hindi naman siya nagji-gym pero  defined and muscles niya.

                Bumalik siya sa station at iniwanan ang lalaking nakatitig sa kanya. Ilang saglit pa, nag log-in na siya at pinindot ang “auto-in”. Kaagad na may pumasok na tawag. “Welcome to customer service, This is Rob, may I have your account number please...”

                 Mahigit anim na buwan na siya sa call center na pinagtatrabahuhan. Kaka-regular lang niya noong nakaraang Linggo. Isa si Rob sa mga top performer, hindi lang sa Team Ricky kundi maging sa buong floor. Pagdating sa CSAT at sales, wala siyang problema. Yun nga lang, madalas siyang late.

                Saktong alas-sais ng umaga nag log-out si Rob. Matapos mailigpit ang mga gamit, nagpasiya na siyang umuwi.

                Nakikinig siya ng music sa itouch habang matiyagang naghihintay sa pagbukas ng elevator. Ilang saglit pa, bumukas na ang elevator. Isa-isa silang pumasok habang panay ang kantyawan at chikahan ng kanyang mga kasama. Unti-unti nang sumara ang pinto ng biglang may sumigaw.

                “HOLD IT!!!” tinig iyon ng isang lalaki.

                Pinindot ng ka-team ni Rob ang button para muli itong magbukas. Humahangos na pumasok at gumitgit sa tabi ni Rob ang isang pamilyar na mukha. Siya nga iyon! Ang newbie na nakasabay niya sa CR kanina. Ang newbie na nakatingin sa kanya. Ay hindi pala, ang newbie na NAKATITIG sa kanya!

                Bahagyang umusog si Rob para makapasok ang newbie. Amoy na amoy niya ang bango nito. Kung hindi siya nagkakamali, Clinique Happy.

                Mula sa tagiliran, pinagmasdan niya si Newbie Guy. Kayumanggi ito at tama lang ang pangangatawan. Naka-wax din ang tayu-tayo nitong buhok. May nunal ito sa ibaba ng kanang mata na medyo bilugan.

                Muling huminto ang elevator sa 15th floor. May mga tao pang naghihintay. Yung iba, pilit na nakipagsiksikan. Yung iba naman, hindi sumakay at naghintay na lang ng susunod na elevator.

                At dahil may mga pumasok, nagsi-usugan ang mga tao. Kapansin-pansin ang pagdikit ni newbie guy kay Rob. Magkadampi na ang kanilang mga balat. Sinasadya man o hindi, may mga pagkakataon din na sumasanggi ang siko nito sa pagkalalaki ni Rob. Deadma lang naman ang huli.

                Ilang saglit pa, lumapag na sila sa ground floor. Isa-isang nagsibabaan ang mga tao. Naunang lumabas si Newbie guy. At paglabas ni Rob, nakatitig na naman ito sa kanya. Medyo malagkit. Tinitigan din ni Rob ang lalaki. Saka bahagyang binasa ng dila ang kanyang mga labi with matching lip-bite, bago lumabas ng building. Sinundan siya ng tingin ni newbie guy. Napangisi si Rob sa ginawa. “Me likey!”, sabi nito sa sarili.


Naglalakad lang si Rob pauwi. Sa Dela Rosa lang ang condo na kanyang tinutuluyan. At dahil hindi nagji-gym, ito na ang exercise niya sa araw-araw. Nang mga sandaling iyon, marami na ring mga tao ang naglalakad sa kahabaan ng Ayala. Karamihan sa kanila ay papasok na sa opisina. Ang iba naman ay katulad niyang pauwi pa lang mula sa trabaho.

Ilang saglit pa, nakarating na siya sa condo. Pagpasok ng unit, may mini-kitchen sa gawing kaliwa. Sa bandang gitna naman ang sala, malapit sa mga bintana. Meron ding maliit na Dining table malapit sa sala. Meron itong dalawang kwarto na magkatabi. At sa gawing dulo naman ang CR.

Nadatnan niya si Paolo na kakalabas lang ng banyo at nakatapis ng tuwalya sa katawan. Kakatapos lang nitong maligo.

“Hey Rob, you’re there! Pasensya na, medyo magulo yung kwarto. Ang aga-aga toxic ako!” medyo high-pitched ang boses ni Paolo.

           Si Paolo ang isa sa dalawang kasama niya sa unit. Sa taas na 5’3”, para silang mag-kuya kapag magkatabi. Maputi ito at chinito. Pa-square ang kanyang mukha at manipis ang kanyang mga labi. Tama lang din ang kanyang pangangatawan.

            Pumasok si Rob sa kwarto na malapit sa CR. Sumunod naman si Paolo. Isinara ng huli ang pinto.

May dalawang single bed sa loob at isang aparador sa pagitan nito. Pasalampak na umupo sa kama si Rob, saka hinubad ang sapatos.

“Si Geoff, nandyan na ba?” tanong ni Rob habang nagpapalit ng damit pambahay.

“Tulog pa.” Sagot ni Paolo habang nagbibihis ng kanyang puting Nurse’s uniform. “ Madaling araw na umuwi si bakla! Lasing si puta!”

Napatawa si Rob. Lumitaw ang malalim na dimple sa kanyang kaliwang pisngi.

“Kumain ka na ba? Sabay na tayo bago ka umalis.”

“Naku, mali-late na ako! Doon na lang ako sa ospital kakain. Sige, kain ka na.”

Lumabas ng kwarto si Rob at binuksan ang ref na nasa kitchen. Wala na din pala itong laman maliban sa isang pancit canton at dalawang itlog. Binuksan niya ang freezer. Kinuha niya ang 1 pint ng rocky road ice cream na binili niya nung isang araw at sinimulang papakin. Umupo siya sa sala at binuksan ang TV.

“Rob, una na ako. ” paalam ni Paolo. Nakasukbit ang itim na backpack sa likuran.

“Wag, bata ka pa!” Pabirong sabi ni Rob habang nagsu-surf ng channel.

“O sige, Ikaw na mauna! CHE!” inirapan siya ni Paolo sabay labas ng pinto. Isang malutong na tawa lang ang isinagot niya.

Halos makatulog na siya sa panonood ng TV nang magising si Geoff. Naka-boxers lang ito nang lumabas sa kwarto. Tangan-tangan ang cellphone sa kaliwang kamay. Gulo-gulo ang kanyang buhok. Mapupungay pa ang mga mata.

            Mas matangkad lang ng kaunti si Rob kay Geoff. Kayumanggi ito at medyo payat. Malalim din ang kanyang mga bilugang mata. Medyo matangos ang kanyang ilong at manipis ang mga labi. Isa siyang freelance photographer.

            “Anong almusal?” Tanong ni Geoff.

            “Wala!”

            Parang hindi siya pinansin ni Geoff. Pumunta ito sa kusina at binuksan ang ref. Binuksan din niya ang freezer. Ng walang makitang pagkain, kumuha siya ng tubig at doon mismo uminom sa pitsel. Kumuha siya ng mug at nagtimpla ng kape. Black.

            Umupo si Geoff sa tabi ni Rob saka nagsindi ng sigarilyo.

            “Amputa, ang aga-aga yosi agad.” Tumayo si Rob at tinapon sa basurahan ang lalagyan ng ice cream.

            “Wala naman tayong almusal, eh. What do you want me to do?” sabay buga ng usok.

            “Mag grocery ka mamaya. Kung ayaw mong mag-ulam ng asin.” Pilosopong sagot ni Rob. Tumayo ito at dumerecho sa kwarto. “Matutulog na ako Geoff. Bili mo na lang ako ng ice cream mamaya pagpunta mo sa grocery. I will pay you later.”

            “Sige, sige.” Tugon ni Geoff sabay higop ng kape. Kinuha niya ang remote at nilipat ang channel.

            Hindi pa umiinit ang puwit ni Geoff sa pagkakaupo nang tumunog ang kanyang cellphone. May nagtext sa kanya.

            “Please be with me tonight, Geoff... I freakin’ miss you... :(”

            Si Marco.

            Kaagad niya itong nireplyan.

            “We can meet at 7pm. Greenbelt. I miss you too, sweetie...”

***

                Nakaupo si Paolo sa Nurse’s station habang nagsusulat sa patient’s chart. Mabuti naman at hindi siya gaanong toxic ngayong araw. Sa gawing likuran niya ay may isang mahabang table at mga upuan kung saan nakaupo ang mga student nurse. Ang iba ay busy sa pagsulat sa patient’s chart. Ang iba naman ay nakatunganga.

                Nag-ring ang telepono na nasa gawing kanan niya.

                “Station 3, good morning!” saglit na katahimikan. Pinakikinggan niya ang nasa kabilang linya. “Yes doc, tapos na po. Opo. Mamaya pa daw po yung result ng x-ray. Sige po doc, sabihin ko na lang po.”

                Nang matapos mag-update ng patient’s chart, bumuntong-hininga si Paolo. Tinapunan niya ng tingin ang mga intern. Nagkakasiyahan ang mga ito. Nagtatawanan. Sinulyapan niya ang kanyang relos. 11:45am. Bumaling siya sa mga intern.

                “Guys, you can have an early lunch. Just be back at 1pm.”

                Isa-isang nagtayuan ang mga intern. Lahat sila ay natuwa. Isa-isa na silang nag-aalisan.

                Pinagmamasdan ni Paolo ang mga intern nang mag-vibrate ang kanyang cellphone. Dinukot niya ito mula sa kanang bulsa at binasa ang text. Hindi naka-rehistro ang numero sa phonebook niya.

                “I’m back in Manila. Kumusta na Habibi ko?”



                Biglang nagsalubong ang kanyang kilay. Isang tao lang ang tumatawag sa kanya ng “Habibi”. Nag-init ang buo niyang katawan sa galit.

                “Putangina...”


--- MAY KARUGTONG...

No comments:

Post a Comment