Thursday, March 3, 2011

Mula sa mga Pahina nga Ala-ala ng Isang Sawi

Galit na galit ang Haring-Araw patungong kanluran. Animo'y isinusumpa ang lahat ng matamaan ng sinag nito. Patuloy ako sa paglakad papunta sa pantalan kahit bahagyang nasisilaw sa nagkalat na liwanag. Kasabay ng pang-gagalaiti ng Haring-Araw ang halu-halong saloobin na animo'y nagpupuyos. Patuloy ako sa paglakad habang tumatagaktak ang mainit na pawis sa aking magkabilang pisngi.

Gusto kong sumabog! Magkapira-piraso at kagyat na maglaho sa mundong ito! Bakit hindi mo na lang ako patayin? Bakit hindi mo na lang ako saksakin ng matalim na punyal ng iyong pagbabalat-kayo! Bakit kailangan mo pang dapli-daplisan ang aking pagkatao at unti-unting patakan ng pagsisinungaling at panlilinlang?!

Bakit ginagawa mo sakin ito?!


Napaupo ako sa pinong buhangin. Hapong-hapo ako. Unti-unti kong nararamdaman na mas mainit pa ang halu-halong emosyon kaysa tindi ng sikat ng araw. Hindi ko na napigilan ang aking sarili. Hindi na kinaya ng katawan ko. Hindi ko na kayang lokohin ang sarili ko! Bumunghalit ako ng iyak! Hindi alintana ang ibang taong nagdaraan.

Bingi na ako sa kasinungalingan.
Pipi na ako at hindi na maipagtanggol ang sarili.
Bulag na ako sa katotohanan.
Manhid at ngarag na ang buo kong katawan para sa ano mang paliwanag mula sa'yo.
Bakit mo ako ginaganito?!

Hindi pa ba sapat ang mga oras at panahong iginugol ko?!
Hindi pa ba sapat ang pagtitiwala't pagmamahal na inalay ko?
Hindi pa ba sapat ang pagbubulag-bulagan at pagtatanga-tangahan?

Matagal ko ng pinagmukhang tanga ang sarili ko. Gula-gulanit na ang dignidad ko. Lusaw na lusaw na ang respeto ko sa sarili. Sobra na! Tama na! Sapat na ang minsang mapa-ikot sa mga pagsisinungaling mo! Sapat na ang minsang magamit para sa sarili mong kapakanan. Sapat na ang may mga taong nasaktan dahil sayo. Hindi na ako papayag na pati sila ay sirain mo!

Ngayon pa lang, kinakalag ko na ang tanikalang muntik nang gumapos sa buo kong pagkatao! Tapos na ang pagpapanggap! Sira na ang maskarang gamit mo sa pagbabalatkayo! Lumantad na ang tunay na nananahan sa humpak mong katawan. Hindi na uubra ang mapang-akit at mapanuksong ngiti! Wala ng epekto ang huwad na paghingi ng tawad!

Habang patuloy ang pag-agos ng masaganang luha. Kasabay ng paghampas ng alon sa dalampasigan, unti-unti kong nararamdaman ang pagluwag ng aking nararamdaman. Malaya na ang aking pag-iisip at kalooban. Wala na ang maitim na ulap ng pag-aalinlangan na matagal ding nagpahirap sa akin.

Tumayo ako mula sa pagkaka-upo at sinuong ang mapaglarong alon. Ngayon ko naramdaman ang lamig-alat ng tubig! Ngayon ko naramdaman na sa kabila ng pahirap at pasakit na dinanas ko, hindi pala ako nag-iisa. Dahil nandiyan Siya para gabayan ako.

Salamat sa matamis at mapanlinlang na pagkukunwari!

Salamat!

No comments:

Post a Comment