Thursday, March 10, 2011

"FLATMATES": Chapter 4: "Escabeche"

"FLATMATES"
ni Ralph


Chapter 4: "Escabeche"




Nakabibingi ang katahimikan nang sapitin ni Rob ang unit. Hindi na niya naabutan si Paolo. Si Geoff naman ay tulog pa. Dumerecho agad siya sa kwarto. Naghubad ng sapatos at nagpalit ng damit-pambahay. Pasalampak siyang humiga sa kama. Parang naubos ang lakas niya. Bumabalik pa rin sa kanyang isip ang maiinit na tagpo na nangyari kani-kanina lang. Napakabilis ng mga pangyayari.

Hindi na bago kay Rob ang mga ganung tagpo. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakipaglaro siya sa isang taong hindi man lang niya alam ang pangalan.

Pero sinisiguro niya na lagi siyang protektado.

Tumunog ang cellphone ni Rob. May nagtext.

“Tagay!! Kiko here, btw.”

Parang bumalik lahat ng lakas niya. Napabangon siya mula sa pagkakahiga at kaagad na nagreply sa text ni Kiko.

“Hey, Kiko! It’s good to hear from you. Enjoy your inuman session with your team mates. I hope to see you soon. Take care!”

Wala pang isang minuto ay nagreply agad si Kiko.

“I’m looking forward to that. J

Napangiti si Rob. Bumalik siya sa pagkakahiga. Ilang saglit pa, dinalaw na siya ng antok.

*

Kasalukuyang naglalakad si Geoff sa kahabaan ng Ayala. Kataka-taka na walang mga sasakyang dumaraan. Masakit sa tenga ang katahimikan. Ang mga taong naglalakad at animo’y mga robot na tuloy-tuloy lang sa paglakad. Walang nagsasalita. Walang mga nag-uusap. Derecho lang ang tingin.

Nagpatuloy siya sa paglakad. Ilang saglit pa, natanaw niya ang isang pamilyar na mukha. Hindi siya pwedeng magkamali, si Marco nga iyon.

Magkahalong pananabik at inis ang naramdaman niya. Sariwa pa sa kanyang isip ang hindi pagsipot ni Marco sa nakatakda nilang pagkikita. Pero ganun niya kamahal yung tao para makalimutan niya agad ang lahat. Na masilayan lang niya ang mukha ng minamahal ay mapapawi na rin ang inis na kanyang nararamdaman.

Mas binilisan niya ang paglakad. Halos sampung metro na lang ang layo niya kay Marco.

“MARCO!” Pasigaw na tawag ni Geoff.

Nilingon siya ni Marco. Bakas na bakas sa mukha nito ang takot at pagkagulat. Kaagad itong kumaripas ng takbo. Takang-taka si Geoff sa kanyang naging reaksyon. Tumakbo siya para habulin si Marco.

“MARCO!! SANDALI! ANO BA’NG NANGYAYARI SA’YO?!”

Nagsimulang umihip ang malakas na hangin. Halos tangayin nito ang sigaw ni Geoff. Patakbong tumawid si Marco sa pedestrian lane.

Hindi niya alam kung saan nanggaling ang rumaragasang bus. Napunit ang katahimikan sa pagpreno nito pero huli na ang lahat. Nabundol si Marco ng paparating na bus. Tumilapon ang katawan nito at nagpagulong-gulong sa kalsada. Naghalo ang dugo at alikabok. Hindi na gumagalaw ang kaawa-awang si Marco.

“MARCOOOOO!!!”

Napabangon si Geoff mula sa pagkakahiga. Mabilis at malalim ang kanyang paghinga. Malamig ang pawis na bumabaybay sa magkabila niyang pisngi.

Kaagad siyang lumabas ng kwarto at tinungo ang kusina. Nadatnan niya si Paolo na nagluluto ng hapunan. Binuksan niya ang ref at uminom ng tubig mula sa pitsel. Malalim pa rin ang paghinga niya pero hindi na ganun kabilis. Tinapunan lang siya ng tingin ni Paolo.

“Ok ka lang, Geoff?” Nagtatakang tanong ni Paolo.

Tumango lang si Geoff habang patuloy pa rin sa pag-inom ng tubig. Muli niyang ibinalik ang pitsel sa loob ng ref.

“Nanaginip ako. Masama. Nabundol daw ng bus si Marco sa Ayala.”

“Aaay, ang sama nga. Dapat totoo na lang na nangyari.”

Tinitigan niya ng masama si Paolo at naglakad papuntang sala. Umupo siya at nagsindi ng yosi.

“Biro lang. Ito naman. Alam naman natin na hindi ako boto kay Marco, diba?”

“Hindi maganda yung biro mo, Pao.” Seryosong sabi ni Geoff.

“Sorry na.” Tinabihan niya sa sofa si Geoff. “Panaginip lang yun. Baka naman namimiss mo lang siya ng sobra.”

Napaisip si Geoff. Marahil tama si Paolo. Sobrang miss na niya si Marco. Matagal na silang hindi nagkikita. Ilang araw na siyang nangungulila sa akap at halik nito.

“Oh, natulala ka naman diyan.”

“Sobrang miss ko na siya, Pao pero wala akong magawa. Gustuhin ko man, wala akong karapatang magdemand. Magtext man ako para magkita kami tuwing namimiss ko siya, hindi ganun kadali. Kailangang ako ang maghintay kung kailan siya magtitext.” Bakas na bakas sa boses ni Marco ang kalungkutan.

“Hindi kita kukunsintihin dyan, friend. Ginusto mo yan, eh. Hindi ito ang unang pagkakataon na pinag-usapan natin ‘to.”

“Mahal ko si Marco. At mahal niya ako.” Mariing sabi ni Geoff. Hinithit niya ang yosi at saka ibinuga.

“Pero si Kris ang nagmamay-ari sa kanya. Anyway we look at it, Geoff, nakikihati ka lang…”

Katahimikan.

Naalala ni Geoff ang una nilang pagkikita ni Marco nung nakatira pa siya sa Laguna. Si Marco ang wedding coordinator noong ikinasal ang kapatid niya three years ago. Naghahanap ng photographer si Marco para sa “Pre-nup photoshoot” ng kapatid. Inirekomenda si Geoff ng isang kaibigan at doon nagsimula ang lahat.

Nagkadevelopan silang dalawa hanggang naging sila. Umikot ang mundo nila sa isa’t isa. No dull moments. Hanggang sa nagsimulang magtaka ang mga magulang ni Marco kung bakit pa itong pinapakilalang girlfriend sa kanila gayong 27 years old na ito. Doon nagsimulang ipressure si Marco ng kanyang mga magulang.

Nagsimulang mayanig ang almost-perfect relationship nila ni Geoff. Palaging bothered at wala sa sarili si Marco na labis na ipinagtataka ng kanyang nobyo.

Isang araw, kinausap ni Geoff si Marco. Pinagtapat niya dito ang sitwasyon. Sinabi niya na kailangan na nilang putulin ang kanilang relasyon dahil hindi ito tama sa mata ng mga tao.

Kahit masakit para kay Geoff, mas pinili niyang palayain si Marco.

Nagpakalayo si Geoff. Humiwalay siya sa mga magulang at napadpad sa Makati para tuluyang makalimutan ang nobyo.

Nakita niya ang advertisement ni Rob online na naghahanap ito ng housemate. Hindi siya nagdalawang isip na kunin ang isang room.

Doon nagsimula ang friendship ng tatlo.

Wala pang dalawang buwan at muling nagparamdam sa kanya si Marco na noo’y nobya na si Kris. Nag-usap silang dalawa. Nagsumbatan at nagpalitan ng masasakit na salita. Sa huli, ipinaliwanag ni Marco na ginagawa lang niya ito para sa pamilya. Na wala siyang nararamdaman kay Kris at si Geoff talaga ang mahal nito.

Nagmakaawa si Marco na wag siyang iwan ni Geoff. At dahil mahal din niya si Marco, pumayag siya sa ganung set-up: Sa mga mata ng tao, Si Marco ay para kay Kris at kapag wala nang nakamatyag, siya naman ay para kay Geoff.

“Unang naging akin si Marco, Pao. Mas nauna niya akong minahal kaysa kay Kris. Kung tutuusin, si Kris ang nakikihati sa akin.”

“I mean, kuntento ka na ba sa ganyan lang?”

“Mahal ko siya, Pao. Mahal na mahal. Magpapakatanga ako para sa kanya. Alam ko na sa bandang huli, ako pa rin ang pipiliin niya.” Muli niyang hinithit ang yosi at pinatay sa ash tray na nakapatong sa center table.

“Babae si Kris, Geoff. Kahit bali-baligtarin mo man ang mundo, ang lalaki ay para sa babae.”

Katahimikan ulit.

“Ikaw ang bahala, Geoff. Buhay mo naman yan, eh. Kung si Marco ang nagpapaligaya sa’yo ngayon, go lang. Hindi namin yan kayang ibigay sa’yo. Basta sana, marealize mo na you deserve more than that.” Niyakap ni Paolo si Geoff. Mahigpit.

“Salamat, Pao. Maraming salamat.”

“Ayusin mo na nga yang sarili mo. Birthday ko na next week. Ayaw kong makita kang ganyan sa birthday ko.” Bumitiw sila sa pagkaka-akap.

“Promise.” Tugon ni Geoff. Tumayo ito at dumerecho sa kusina para magtimpla ng kape.


Tumunog ang cellphone ni Paolo na nakapatong sa center table. Binasa niya ang text.

“I know you’re still mad at me. Please, tama na. I will see you soon so we can talk properly. I miss you, Habibi. It’s been a while.”

Pinigilan ni Paolo ang sarili. Muntik na niyang maibato ang cellphone sa pader.


 --- MAY KARUGTONG...

No comments:

Post a Comment