Tuesday, March 1, 2011

"Hatinggabi"

Mula sa hindi kalayuan, tanaw na tanaw kita. Marahan mong binabagtas ang makipot na kalsada. Naghahari na ang kadiliman sa mga sandaling iyon. Tanging ang mala-kesong buwan na lamang ang tumatanglaw sa iyong dinaraanan. Mula sa hindi kalayuan, damang-dama ko ang nag-uumapaw mong kaligayahan. Napapangiti ka pa ng bahagya at napapa-iling. Alam ko na mag-isa ka lang. Dahilan kung bakit palihim akong bumubuntot sa'yo.
Nang may 20 metro na ang layo mo sa akin, sinundan kita. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa kinaroroonan mo. Bahagya akong kinabahan. Nagkubli ako sa gilid ng poste, pitong dipa ang layo mula sa iyo. Hindi mo pa rin ako alintana. Gusto na sana kitang lapitan kaya lang biglang tumunog ang cellphone mo. Dali-dali mo itong sinagot. Hindi ko gaanong maulinigan kung ano ang pinag-uusapan niyo.

Matagal na kitang namumukhaan. Matagal na kitang palihim na sinusundan. Pero hindi na ako nag-abala na alamin pa ang pangalan mo. Kamumuhian mo din naman ako pagkatapos. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Tapos ka nang makipag-usap sa cellphone.

Lalapitan na ba kita? Magsasalita ba ako kapag kaharap ka na? Ilang sandali pa, nagpatuloy ka sa paglakad. Kumaliwa ka sa susunod na kanto. Maghahating-gabi na. Di kataka-taka na walang gaanong tao sa kalsada. Nakabibingi rin ang katahimikan. Muli kitang sinundan. Patuloy pa din sa pagkabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung alam mo na sinusundan kita. Ano kayang gagawin mo sakin kapag nalaman mo? Hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaksyon ko.

Buo na ang desisyon ko. Kailangan ko ng gawin ito bago pa mawala ang pagkakataon. Dahan-dahan kitang nilapitan. Napalingon ka. Bakas na bakas sa mukha mo ang pagkagulat. Kailangan ko nang magmadali...

Dali-dali kong inilabas ang patalim na nakakubli sa aking bulsa. Mahigpit ko itong hinawakan. Manlalaban ka pa sana pero mas mabilis ako sa'yo. Inundayan kita ng saksak sa tagiliran. Naghalo ang pawis at dugo sa kamay ko. Dagli kang nabuwal. Isa pang saksak sa tagiliran ang pinakawalan ko. Para siguradong hindi ka na makakalaban pa. Dali-dali kong kinuha ang wallet mo. Pati na rin ang cellphone. Kaswal akong naglakad papalayo sa iyo. Habang patuloy ang pagbaha ng dugo sa maalikabok na kalsada.

Nagtagumpay na naman ako. Pihadong bukas, laman ka na ng Diyaryo....

No comments:

Post a Comment