Thursday, March 3, 2011

Sa Tabing Ilog

Limang minuto bago mag-alas dose ng hatinggabi. Tahimik kong binabagtas ang mabatong daan patungo sa tabing-ilog. Hindi alintana ang paghuni ng kulisap sa paligid. Payapang-payapa ang gabi. Tanging ang anino ko lamang ang nakamatyag sa akin dahil nagkukubli ang buwan sa likod ng makakapal na ulap ng gabing iyon.

Ramdam na ramdam ko ang lamig ng gabi. Paihip-ihip ang hangin at banayad na hinihipo ang aking katawan. Wari'y niyayapos ang buo kong pagkatao. Napahalukipkip ako. Hindi dahil iniinda ko ang lamig kundi dahil ramdam ko ang labis na pag-iisa.



Ilang sandali pa, narating ko na ang tabing-ilog. Umupo ako sa isang nakatumbang puno malapit sa tubigan habang ang malamig na tubig-tabang ay dumadampi sa aking mga paa. Ramdam na ramdam ko ang lamig nito paakyat sa aking batok.

Ito ang unang pagkakataong nakadama ako ng labis na pangungulila.
Ito ang unang pagkakataon na mag-isa kong tinatahak ang masalimuot na mundo.
Ito ang unang pagkakataon na mag-isa akong tumatangis.
Ito ang unang pagkakataon na wala akong kasama at karamay sa aking mga problema.
Ito ang unang pagkakataon na walang taong gustong makinig sa aking mga hinaing at paliwanag.  Kung mayroon man, ay mas piniling magbingi-bingihan sa hindi ko malamang dahilan.
Ito ang unang pagkakataon na hindi ko makita ang mga bagay na matagal ng nasa aking harapan.
Ito ang unang pagkakataon na hindi ko maramdaman ang init o lamig ng pakikitungo ng mga taong nasa paligid sa akin.
Ito ang unang pagkakataon na nalasahan ko ang pait ng panlilinlang at pagbabalat-kayo.
Ito ang unang pagkakataon na nakadama ako ng labis na awa sa sarili.
Ito ang unang pagkakataon na nakadama ako ng inggit sa mga taong nasa paligid ko. Mga kakulangan na hanggang ngayon hindi ko alam kung paano pupunan.
Ito ang unang pagkakataon na pilit kong hinahanapan ng kasagutan ang mga katanungan na gumugulo sa aking isipan.
Ito ang unang pagkakataon na may mga bagay na gusto akong gawin pero may kung ano'ng pumipigil sa akin.
Ito ang unang pagkakataon na nangyayari sa akin ang mga bagay na ito.

Habang nakaupo sa tabing-ilog, nakita ko ang aking sarili mula sa repleksyon ng tubig. Hindi ko namukhaan ang aking sarili. Hindi dahil may nagbago sa aking mukha o anoman kundi dahil, ibang-ibang iba ang pagkatao ng repleksiyon na nakikita ko.

Magkahalong awa at pagkamuhi sa sarili ang aking naramdaman. Unti-unting namumuo ang butil ng luha sa aking magkabilang mata. Ilang saglit pa, tumulo ang masaganang luha at pumatak sa tubig. Nabasag ang aking repleksiyon. Pamaya-maya, naging banayad ang tubig at muli kong nakita ang aking repleksiyon. At sa pagkakataong ito, masasabi ko sa aking sarili na ako nga ang sinasalamin ng ilog. Walang duda.

Nakadama ako ng kapanatagan ng loob. Wala na ang pangungulila na bumabaluti sa aking buong pagkatao. Unti-unti nang sumisilip ang mala-kesong buwan mula sa pagkukubli sa likod ng maitim at makapal na ulap. Isang payak na ngiti ang namutawi sa aking mga labi....

No comments:

Post a Comment