Thursday, March 3, 2011

Mula sa mga Pahina ng Ala-Ala ng Isang Mapanlinlang

Ramdam na ramdam ko ang panggagalaiti ng Haring-Araw. Animo'y unti-unting nilalapnos ang buo kong katawan. Kanina pa walang tigil sa pagtagaktak ang masaganang pawis. Animo'y nananangis ang buo kong katawan sa hapdi't init na nararamdaman.


Ilang saglit pa, natanaw kita mula sa hindi kalayuan. Patuloy sa paglakad at hindi alintana ang iba pang taong nasa dalampasigan. Napakapanglaw ng iyong mukha. Ibang-iba sa taong nakilala ko.



Wala ng buhay ang mapupungay na mga mata.
Wala na ang tamis ng nakahuhumaling na mga halakhak at ngiti.
Wala na...


Alam ko na isinusumpa mo na ako ngayon. Siguro'y hinihiling mo na mahati ang lupa at lamunin ako nito.
Pero hindi mo ba naisip kung bakit ako nagkakaganito?!
Hindi ko kasalanan kung unti-unti kang nahulog sa mapanuksong mga ngiti.
Hindi ko kasalanan kung binigyan mo ng kulay ang kabaitang ipinakita ko.
Hindi ko kasalanan kung pinaniwala mo ang sarili mo sa ideya ng iyong pantasya.
Hindi ko kasalanan.
Hindi mo ba naisip na simula pa lamang ay pinaaasa lang kita?
Pilit na pinaiikot sa aking mga kamay.
Tanggapin mo ang katotohanan!
Pinaglalaruan lang kita!


Dahil kahit kailan, hindi maaring magkatotoo ang mga bagay-bagay na gusto mong mangyari!


Wala ng epekto ang impit na pag-iyak.
Wala ng epekto ang pagtangis at paghingi ng paumanhin.


Wala na!


Ituring mo na lamang na ang mga nangyari ay parte ng isang mapait na kahapon.


At tanggapin ang katotohanan na minsan sa buhay mo, ikaw ay nalinlang!

No comments:

Post a Comment